Saturday, August 29, 2009

Lasang bebelgam



(Nailathala ito sa isang literary journal noong kalagitnaan ng 1993. Tulad ng karamihang tibak na kabataang estudyante, kulay pula ang utak ko at lumalangoy sa DHM--dialectical and historical materialism--ng mga panahong iyon. Sa pagdaloy ng panahon kasabay ng iba’t ibang substances, lumabnaw na’t kumupas rin--kulay kahel na ngayon, a la “Trainspotting” at “Clockwork Orange”! Diabolical and hysterical moronism.)

Bugtong-bugtong: Anong bagay ang matigas na matigas na kapag nadilaan at nalawayan at unti-unting naipasok sa bibig ay nanlalambot at naglalabas ng kanyang katas?

Sagot: Bebelgam*, este, bubblegum

Alam kong may sumagi sa utak ng iba sa inyo na isa pang sagot na sa letrang “b” rin nagsisimula (”b” na berde) pero sa pagkakataong ito, hindi ito iyon. At alam ko rin na may hindi sumagi sa isip niyo na isa pang sagot na sa titik “p” naman nagsisimula na maaaring ito iyon. Ang nagsisimula sa letrang “p” na di niyo naisip? Panitikan. O literatura (meron pa bang iba?). Oo, ‘yung nilakaran na mga salita’t letra ng inyong dalawang mata kanina bago kayo nakarating sa sanaysay na ito (o baka naman parang tipaklong na tumalon-talon ang mga mata niyo papunta rito?). Paano’t paano man, ito ‘yung atay, puso, apdo’t balun-balunan ng pahayagang ito--ang mga tula’t kuwento.

Iniisip niyo siguro kung ano naman ang koneksiyon ng panitikan sa bubblegum. Pero sabi nga nila, hindi natin dapat tingnan ang isang langgam na naglalakad sa lupa bilang nakahiwalay o nakatiwalag na langgam, bagkus ang relasyon at interkoneksiyon ng langgam sa lupang kanyang nilalakaran at sa iba pa niyang kasamahang langgam ang dapat nating masilayan. Maaaring sa una, ang mga relasyon at interkoneksiyon ay hindi kara-karaka makita ng inyong dalawang mata kahit na mag-microscope pa kayo, ngunit ito pa rin ang pinakaabante’t pinakakritikal na pagsusuri sa realidad--ang pagtingin sa relasyon at interkoneksiyon ng mga bagay-bagay, proseso, at penomena sa mundo. Ngayon, mabalik tayo sa usapin ng bubblegum at panitikan. Kung minsan, di ba’t parang bubblegum ang panitikan, at kadalasan nga’y lasa pa itong bubblegum? Magulo ba? Suriin natin at siyasatin.

Upang maging sistematiko, makatotohanan, at siyentipiko ang isang pagsusuri, dapat ito’y may konkretong materyal na basehan sa realidad, kaya’t bumili kayo muna ng tigsi-singkwenta sentimos na Bazooka Joe bubblegum sa tindahan bago natin simulang himay-himayin ang laman (content) at anyo (form) ng panitikan.

Hawak-hawak niyo na ba ang Bazooka Joe sa inyong kamay? Ngayon, tingnan natin ang pagkakahawig ng bubblegum sa panitikan. Tulad ng singkwenta sentimos na bubblegum, nabibili rin ang panitikan sa tindahan sa karaniwang bihis nitong pocketbook. Minsan nahihiram, minsan narerentahan. Parang betamax. Balatan niyo na ngayon ang Bazooka Joe. Di ba’t kulay pula, puti, at asul ang balat na mala-papel at mala-plastik? Parang cover ng isang pocketbook na obra maestra ng isang pintor. Kumukutikutitap, parang Hapee tutpeyst. Ang disenyo’y nakakaakit.

Ngayon, isubo niyo na ang mabango at matigas at may hiwa-hiwa at kulay pink na bubblegum. Matapos hubaran ng supot ng tindahan, ang nabiling pocketbook ay inaamoy-amoy natin at kung misan, pagdaka’y bubulatlatin na at sisimulang basahin ang unang pahina di ba? Para tayong humaharap sa hapag-kainan, para tayong kumakain ng teksto sa pagbabasa. Nilalasahan muna sa umpisa, nginunguya sa gitna, at sa huli’y nilululon. Nabubusog nga tayo pero ang tanong, masustansiya ba?

Sa pagsusuri, dapat tayong maging mapag-usisa. Mapagtanong. Mapagkuwestiyon. Gayon din sa pagkain, hindi tayo dapat subo na lang nang subo at lunok na lang nang lunok. Iba ang pagkain sa paglamon. Dapat muna nating lasahan at nguyain ang isang pagkain bago natin ito tuluyang lunukin upang kung sakali mang panis ang pagkain ay mailuwa natin ito hanggang maaga, dahil lubha yatang masakit sa tiyan kung sa huli’y nalunok na at bumagsak na sa sikmura’y isusuka pa. Kung mamalasin pa kayo, maggigiyera-patani iyan sa inyong bituka at pagkatapos ay mapipilitan kayong makipag-peace talks sa kubeta.

Gayon din sa pagbabasa ng isang kuwento o tula. Dapat ay may sinusunod tayong kalansay, este, balangkas o framework sa pagtanggap ng akda. Sa pagsusuri ng isang akda, dapat nating isaalang-alang ang limang batayang tanong sa kritikal na pag-aanalisa upang mas maintindihan at maunawaan natin ang panitikan. (1) Ano (what) ang nilalaman o ipinararating sa atin ng akda? (2) Paano (how) ito ipinararating? (3) Sino (who) ang nagpaparating? (4) Saan (where) at kailan (when) ito sumupling? At (5) Para kanino (for whom) ang akdang ito?1

Bago kayo bumili sa tindahan ay dapat alam niyo muna kung ano ang inyong bibilhin. At kung sakaling nakabili na kayo ay dapat niyo naman ngayon itong alamin. Sa kaso niyo, Bazooka Joe bubblegum ang pinabili ko sa inyo. Alam niyo dapat kung ano ito. Sa pagbabasa ng panitikan, dapat nating malaman kung ano ang anyo nito. Ito ba’y tula, nobela, sanaysay, o maikling kuwento? Ano ang mga ideyang ipinararating ng manunulat o makata? Ang damdaming ipinadadama? Ang paksain? Siyempre, masasagot ang katanungang ano sa pagbabasa niyo sa teksto. Ang pagbasa ay praktika tulad na lamang ng pagbili niyo sa tindahan ng Bazooka. Ang paglasa at pagnguya ay praktika upang mapatunayan niyo na Bazooka Joe nga ang nabili niyo at hindi butong-pakwan o bibingka. Praktika ang nagpapatibay sa teorya. Praktika muna bago teorya.

Nang balatan niyo at isubo ang Bazooka, alam niyo ba ang mga sangkap ng inyong isinubo? Kung hindi pa ay pulutin ang itinapong parihabang balat na pula, puti’t asul at basahin sa itaas o ibaba ng wrapper ang ingredients ng Bazooka. Sugar, corn syrup, gum base, softeners, critic, este, citric acid, etc., etc. Ngayon, alam niyo na siguro kung bakit iba ang kunat at lasa ng Chicklet sa Bazooka. Kung sa panitikan, paano ba ipinarating ng may-akda ang kanyang kuwento o tula? Dapat nating isa-isahin ang mga paraan, teknik, artipisyo, at pakanang ginamit ng manunulat upang maihatid sa atin ang kaisipan at maipadama sa atin ang damdamin ng kanyang obra. Suriin natin ang klase ng pananalitang kanyang ginamit. Ingles, Tagalog, Taglish, o Englog? Kolokyal ba (pangkaraniwan), pormal, dalisay, haluan, bulgar, o balbal (slang)? Ang indayog ng mga katagang pinagdugtong-dugtong. Malumay ba, malumi, malikot, mabilis, malutong, mabigat, o maragsa? Ang tono at ritmo ng mga pinagtagni-tagning pangungusap at parirala. Ang ayos o balangkas ng mga talinhagang pinagsanib-sanib upang makatinag ng isipan at makaantig ng damdamin. Ganito ang pagsusuri sa porma ng isang akda--parang klase sa human anatomy.

Bago niyo lamukusin at tuluyang itapon ang wrapper ng Bazooka ay basahin niyo muna kung sino ang gumawa. Manufactured in the Phil. by Storck Products Inc. under licensed by etc., etc., USA. Mala-kolonyal kumbaga. Ngayon, malaking tulong sa atin kung bukod sa alam natin ang pangalan ng awtor ay tiyak pa natin kung saang uri at lipi siya nagmula. Siya ba’y Pilipino o dayuhan? Babae, lalaki, o panggitna? Mahirap, mayaman, o katamtaman? Saang uri ba siya nabibilang? Burgis ba (malaking kapitalista, panginoong maylupa), petiburges (estudyante, propesyonal, maliit na mamumuhunan), proletaryo o manggagawa, magsasaka, mangingisda, lumpenproletaryo (istambay, tanggero, o isnatser sa kanto)? Anu-ano ang mga impluwensiyang relihiyoso, artistiko, at pilosopo sa kanyang kamalayan? Mahalaga ito upang malaman natin ang punto de bista ng kanyang teksto. Ang ideolohiya’t pilosopiya--ang mga paniniwalang sa di-lantad at di-malay na lebel ay naisangkap ng manunulat sa kanyang nilulutong obra. May taglay na kapangyarihan ang kuwentista o tulala, este, makata na suriin ang masalimuot na realidad sa pamamagitan ng kanyang mga karanasan at gamitin ang mga ito sa paglikha ng kanyang mga kuwento o tula na sa tingin niya ay siyang representasyon ng realidad. Kung gayon, hindi lahat ng akda ay obhektibong repleksiyon ng katotohanan. Maraming klase ng salamin ngunit hindi lahat ay nagbibigay ng kahalintulad na anino ng realidad--marami ang may distorsiyon, marami ang may lamat, kundi man basag. Ngunit posible rin namang magkaroon ng di-paglalapat ang mga politikal na opinyon ng isang manunulat at ang kahulugan ng kanyang sinulat.2 Minsan, ang unang layunin ng may-akda ay hindi nasasalamin sa sining niyang nilikha.

Ang Bazooka Joe bubblegum na binili niyo noong isang taon at kinain niyo lang kahapon ay tiyak na mala-gulong ng Nissan Sentra ang kunat at paghamon. Marahil, namamanhid na ang inyong panga ngayon sa kangunguya ay wala pa ring katas na sumasayad sa inyong dila. O di kaya naman, matapos niyong nguyain at pagsawaan, ang bubblegum ay idinikit niyo na lang kanina kung saan; makasisiguro kaya kayong masasalat o makikita niyo uli ito sa kanyang pinagdikitan kung sakaling bukas makalawa’y inyo itong balikan? Magkakambal ang panahon at lunan. Magkakambal ang katanungang saan at kailan maging sa panitikan. Saan ba ginawa o nilimbag ang akda? Sa Pilipinas ba o ibang bansa? Ano ang mga lantad na kondisyon ng mga mamamayan sa lugar na iyon? Taghirap, tagyaman, o taglibog? Kailan nilikha ang akda? Noon ba, kahapon lamang, ngayon, o kanina? Ano ang mga pangyayari sa lipunan noong mga panahong iyon? Samakatuwid, ang posibilidad ng isang kuwento o tula ay limitado ng aktuwal na historikal at materyal (pang-ekonomiya) na kondisyon ng lipunan kung kailan at saan ito ginawa. Dahil nga nakakahon sa isang yugtong pangkasaysayan at isang espisipikong lipunan o kabihasnan (time and space) ang panitikan, ang kritikal na pagsusuri kung gayon ay ang paghusga sa isang akda hindi mula sa mga pamantayan ng kasalukuyan kundi mula sa posisyon nito sa partikular na yugtong pangkasaysayan na kinapapalooban nito.3 Ano ba ang nagawa ng akda sa panahon at lunan nito nang ito’y nilikha? Meron ba o wala?

Para kanino ba ang Bazooka Joe bubblegum? Para ba sa bagong silang, sa greyd wan, sa nagliligawan, sa tinutubuan ng ngipin, sa may postisong ngipin, sa naka-braces, o sa walang ngipin? Sa mga naunang batayang katanungan, itong huli ang pinakamahalaga at pinakamatimbang. Sino ba ang mambabasa ng nobela, kuwento, o tula? Sino ba ang inisip ng awtor nang pandayin niya sa papel ang kanyang akda? Sila bang mahihirap o mayayaman? Sila bang nakararami sa lipunan o iilan? Kabilang sa anong uri sa lipunan ang kanyang pinapanigan? Ang kanyang pinaglilingkuran? Elitista ba siya o makamasa? Ano ang nagawa ng kanyang akda sa ikabubuti ng mamamayang higit na nakararami? Muli, meron ba o wala?

Kung gayon, ang nararapat na maisulat na panitikan ay yaong sumasagot sa pangangailangan ng kasalukuyan at inihahasa sa pinakaprogresibong puwersa o tunguhin sa isang yugtong pangkasaysayan ng isang lahi o sangkatauhan.4 Sa halip na itampok ng may-akda ang kanyang mga tauhan sa punto ng kanilang kahinaan sa kasalukuyang kaayusan (status quo), ang pagpupumiglas nila’t pakikibaka upang maigpawan ang kanilang kahinaan sa loob ng umiiral na sistema ang dapat maging punto de bista ng isang humahawak ng pluma.

Hindi dahil ginawa para sa kagustuhan ng inyong laman ang Bazooka Joe bubblegum, ibig sabihin nito’y pinaglilingkuran na kayo ng may gawa nitong mga kapitalistang dayuhan. Ang bubblegum ay naghahatid nga ng ligaya sa inyong bibig, ngipin, at dila; ngunit masasabi niyo bang gayon din ang nagagawa nito sa inyong hungkag na sikmura? Lingid sa kaalaman ng karamihan, hangin ang tanging hatid sa kanilang tiyan sa pagngata nila ng bubblegum. Alin sa dalawang “u” ang dulot nito--utot o ulcer. Kabusugang parang balloon--puro hangin, walang sustansiya, walang laman. Ganyan din kadalasan ang mga babasahing palasak sa ating lipunan--mga mapanlinlang. Mapa-magasin, diyaryo, o libro. Nabubusog nga sa samu’t saring salita at letra ang inyong mga mata, napupuno nga ang puso niyo ng madadamdaming teksto, ngunit di niyo alam, para pala kayong buhay na manikang tinuturukan ng opyo (o shabu) upang huwag niyong maramdaman ang hapdi’t kirot na dulot ng sistemang kinapapalooban niyo, at unti-unti, sa di pagkilos, nadadapil ang inyong ulo. Minsan, parang bubblegum na pinapalobo ang inyong kamalayan na kapag napuno na’y unti-unti na lang tataas sa alapaap at doon, habang kapiling niyo ang mga ulap, ay gagawa kayo ng sarili’t tiwalag na realidad. Walang pinagkaiba sa mga gumuhong kastilyong buhangin at palasyong gawa sa hangin. Hiwalay sa lahat ng sistema sa lipunan. Walang relasyon, walang interkoneksiyon. Ito ang magiging realidad na sa tingin niyo’y ang tamang larawan ng mundo at ang tamang lugar para sa inyo. Walang kontradiksiyon, walang tunggalian, walang pagtatalo, walang pagbabago, wala--hindi gumagalaw, hindi umiikot, estatiko. Ito ang popular na eskapistang panitikan--parang bubblegum. Tumatakas sa katotohanan. Ayaw makisangkot; madalas nananaginip ng gising, puro naman bangungot.

At kapag namanhid na o napasma ang inyong panga at wala nang katas na makuha, ang Bazooka Joe bubblegum na makunat pa sa balat ng pulitiko, este, buwaya ay idudura niyo na sa lupa; nasayang lang ang oras na ginugol niyo sa walang kapararakang pagngata. At mula naman sa alapaap ay bigla na lang mapuputulan ng uten, este, pekpek, este, pakpak ang mambabasa--“The End” na pala ang nakasulat sa ibaba ng pahina, salamat sa may-akda--ilang segundo lang, babagsak na sa konkretong realidad at lalagapak ang mambabasa. Iniwan sa ere ng awtor. Pilay tiyak ang mambabasa kapag bumagsak, hindi pa rin kayang ipaliwanag ang ginagalawan niyang masalimuot na realidad. Parang batang nagpapalobo ng plastic balloon o Bazooka Joe, matapos magdangkaihi sa pag-ihip ay masasaputan pa ang mukha ng maskarang pink. Bulag ka na pala--nadikitan ng bubblegum ang talukap ang iyong dalawang mata.

*mula sa patalastas sa telebisyon ng tutpeyst na Pepsodent.

1Nicanor Tiongson, Ang Paghuli sa Adarna: Tungo sa Isang Pamantayang Pangkultura

2Friedrich Engels

3Vladimir Lenin

4Virgilio Almario, Ang Makata sa Panahon ng Makina

1 comment:

  1. Gusto mo ba ng online work?
    Earn while you enjoy time with your Family & Lovedones!
    Email me: tirada_uno_23@yahoo.com / tiradauno@gmail.com / n.helphelphelp@gmail.com
    Contact Number: 09465046302
    For more details, kindly visit http://www.unemployedpinoys.com/

    ReplyDelete