Saturday, August 29, 2009

Musikang mainstream, alternative, at underground



(Lumabas ito sa isang music fanzine noong unang bahagi ng 1996--huling taon ko sa kolehiyo. Matapos ang isang dekada, nagkaroon muli ng band explosion sa ‘Pinas at sa halip na “alternative” ay “indie” o “independent” naman ang naging uso at bukambibig ng industriya. Bukod sa mga bago--at lumang--mukha, may nabago ba sa content at form ng “orihinal” [kuno] na musikang Pilipino?)

Ano nga ba ang pagkakaiba nila sa isa’t isa? Kung ang pagbabatayan natin ay ang isang makabuluhang depinisyon ng tatlo, masasabi nating ang musikang mainstream ay ‘yung uri ng musikang dominante o naghahari sa ating lipunan at kultura ngayon. Ito ‘yung musikang pinapatugtog sa halos lahat ng istasyon ng radyo (mapa-AM man o FM); pinapalabas sa MTV at iba pang TV shows; at tuwi-tuwina’y nagiging laman ng mga songhits, magasin, dyaryo, at iba pa. Samakatwid, ito ‘yung musikang komersyal na tanggap sa pandinig ng pangkaraniwang tao o simpleng masa. Ito’y dahil na rin siguro sa pangkaraniwang paksa at mababaw na pananaw nito, katamtamang haba ng kanta, at himig na madaling sakyan o sabayan ng kahit sino. Maihahanay natin sa mainstream ang pop music (dahil nga popular ang dating nito), OPM, Billboard/Top 40, love songs, disco, hip hop, corporate o commercial rock, at marami pang iba. Ang musikang mainstream ay masasabi rin nating may pagka-reactionary o conservative dahil sa pinapanatili nito ang status quo o ang umiiral na sistema o kalagayan sa ating lipunan ngayon--kahit na nga ba hindi ito makatarungan sa lahat at pabor lamang sa iilang sektor. Kaya nga’t di nakapagtatakang ang content at form ng musikang mainstream ay maamo at sunud-sunuran lamang sa uso o di kaya’y sa dikta ng mga kapitalistang major record companies at ng status quo.

Samantala, ang musikang alternative naman ay ‘yung uri ng musikang maaaring pamalit o panghalili sa mainstream o sa umiiral na musika ngayon. Kaya nga alternative ang tawag dito kasi pwedeng mapagpilian o balingan ito ng isang mapanuring tagapakinig kapag sawa na siya o sukang-suka na sa nakabobobong tugtuging naririnig niya araw-araw sa radyo. Ang karaniwang katangian kasi ng musikang alternative ay ang pagkakaroon nito ng social at political content na karaniwan na’y humahamon at kumekwestyon sa status quo sa halip na magpatangay na lamang sa agos nito at sa bulok na sistema. Ito rin ang malaking dahilan kung bakit hindi ito maging commercial dahil sa itinuturing na radikal ang mga paksa at mensahe nito. Mas pinapahalagahan kasi ng mga alternative musicians (tulad ng Musicians For Peace) ang content kaysa form--ang makapagmulat ng tao kaysa kumita ng pera. Progressive, wika nga. Kaya nga maaaring parehong pormang love song ang isang kantang mainstream at ang isang kantang alternative, ngunit tiyak na mas malalim at mas may kabuluhan ang lyrics o content ng huli kaysa una. Bukod dito, gumagamit din ang ilang alternative musicians ng ethnic forms o mga katutubong instrumento at iba pang areglong experimental para lalong mas maging masining ang dating ng kanilang musika sa madla. At dahil sa mga katangiang ito, malawak ang sakop ng musikang alternative.

Maihahanay sa musikang alternatibo ang protest music, na pangkaraniwan na’y nasa pormang ethnic o folk song dahil na rin sa pananaw nito na ang rock ay isang kanluraning (Western) o dayuhang impluwensya; ang developmental music, na karaniwan na’y cause-oriented; ang revolutionary songs, na itinuturing ng iba na pang-komunista raw; ang alternative rock, na umunlad mula sa new wave o new music noon at ang siyang tawag sa non-commercial rock ngayon; ang experimental music, na gumagamit ng iba’t ibang artistic medium para maihatid ang tema at musika; at marami pang iba. Salungat sa mga mainstream musicians na hawak sa leeg ng major record labels, independent naman ang paglalabas ng mga alternative musicians ng kanilang mga albums (tulad ng mga do-it-youself musicians) na karaniwan na’y self-produced o di kaya’y galing sa tulong ng mga progresibong Non-Governmental Organizations at People’s Organizations. At ang isang halimbawa nga dito ay ang Backdoor Records [ni Gary Granada].

Noon, kapag sinabi mong alternative, ang pumapasok kaagad sa isip ay ‘yung hindi naririnig o pinapatugtog sa radyo. Ngayon, medyo malabo na ang depinisyong ito dahil na rin siguro sa ginagawang paggasgas ng istasyong LA105 sa salitang “alternative” sa ere. Kung noon ay alternative ang LA, ngayon ay hindi na--komersyal na rin ito. Tuloy, naging palasak ang paggamit ng salitang “alternative” at pati nga ang mga walang kwentang banda ngayon--na kung hindi tungkol sa toma, droga, at yosi ang kanta ay tungkol naman sa sex, libog, at iba pang kabastusan--ay natatakan na rin bilang “alternative”. Bukod dito, nakiuso na rin ang mga kapitalistang major record labels at sinakyan pa ang sinasabing “alternative scene”--na kung susuriing mabuti ay di naman talaga alternative kundi “rock explosion” lang naman--na dati’y di naman talaga nila pinapansin ngunit ngayong pumutok na ay biglang sinakyan na rin upang siyempre’y pagkakitaan, kaya nga’t heto’t kabi-kabila ang pagsulpot ng mga bandang “alternative rock” daw kuno na ang tanging pangarap lang naman ay mag-sellout, sumikat, at kumita ng pera. Ano ngayon ang alternative doon? E di wala! Sa ngayong mas lumabo pang lalo ang linyang naghihiwalay sa mainstream at alternative, masasabi ko lang na ang tunay na natitirang alternative sa panahong ito ay ang mga musikerong tulad nina Jess Santiago, Gary Granada [bago siya binayaran ng Barangay Ginebra], Susan Fernandez, The Jerks, Heber Bartolome, Joey Ayala, Pol Galang, Inang Laya, Grupong Pendong, Patatag, Buklod [Bukluran ng Mapagpalayang Musiko noon, hiwalay na ngayon--salamat kay Joma, at sa pagbili ng McDo sa “Kanlungan” ni Noel Cabangon na sinulat ni Rom], at lahat ng iba pang katulad nilang kumakanta hindi para kumita lamang ng pera kundi para magmulat din sa masa.

Hinggil naman sa musikang underground, alam na natin marahil na ito’y tungkol sa pagbasag at pagkawala sa nakagawian ng content at form ng musika. Deconstruction, wika nga sa post-istrukturalistang pananaw. Kaya nga’t radikal ang lyrics ng anarcho-punk [lolo ng crust], at ilang segundo lang ang grindcore [tiyuhin ng powerviolence], at brutal ang boses ng death, at napakabagal ng doom, at mala-Satanic ang black metal, at nakakabingi ang noise experimental, at nakakaulol ang industrial, etc., etc. Ito’y dahil na rin sa konseptong dapat palayain ang musika mula sa kontrol ng mga kapitalistang record companies, ng mapang-aping estado at tutang mass media, ng elitistang lipunan, ng mga moralistang institusyon tulad ng simbahan at eskwelahan, ng mapaniil na tradisyon at kultura, at ng lahat ng pwersang nais supilin ang kalayaan ng indibidwal na kumanta, magtanong, magrebelde, at magpahayag.

No comments:

Post a Comment