Thursday, December 24, 2009

Si Jesus Christ ang Pasko

Isang mapagpalayang Pasko sa inyong lahat!

Si Jesus Christ ang Pasko
ni Bobby Balingit ng Wuds


Walang colored TV
Walang refrigerator
Walang parol
Walang Christmas lights

Si Jesus Christ ang Pasko
Hindi mga regalo
Hindi damit na bago

Wala si Santa Claus
Walang medyas
Walang maluto
Walang madiskarte

Wala ring syota
Walang pangkarnabal
Paano na ba ito?
Ok lang iyan pare ko

Si Jesus Christ ay Pasko
Christmas, Merry Christmas

Sunday, December 13, 2009

Kahon (PinoyPunk.com)

http://pinoypunk.com Ang maikling palabas na ito ay produksyon ng Piglas-Sining (2004) at mga tropangks sa Pamantasang De La Salle-Dasma. Maraming salamat, painom kayo!



Ang maikling kuwentong ito ay nagwagi ng Unang Gantimpala sa Amado Hernandez National Award for Literature (1999). Kasama ito sa 12-kuwentong kompilasyong Responde (2007)--ang ikalawang aklat ng awtor. Hayop ka Iwa, painom ka rin!


Kahon ni Norman Wilwayco

I
Isinilang kang nakakahon


Lumaki si Marie na kapiling ang mga poon. May poon sa altar. May poon sa kusina. May poon sa ibabaw ng tokador sa kuwarto. May poon sa banyo sa ibabaw ng mga lalagyan ng sabon. Ang mommy ni Marie ay suki ng Baclaran at Quiapo at St. Jude at St. Michael at St. Andrew at Manaoag. Ang daddy ni Marie ay nag-oopisina sa Makati. Malaking tao sa kumpanya. Maraming tauhang sinisigawan. Ang mga kuya at ate ni Marie ay masunuring mga anak. Nagsisimba kung Linggo, hindi nagsisinungaling sa magulang, masisipag mag-aral ng leksyon sa eskwela. Ang pamilya ni Marie ay nagdarasal bago kumain. Nagdarasal bago matulog. Nagdarasal sa tuwing mayroong sakit ang isang miyembro ng pamilya. Ang daddy ni Marie ay may kabit na sekretarya na sa dalas lamasin ay lumaylay ang mga suso at nawalan ng puwit. Ang mommy ni Marie ay nagdarasal na sana'y matapos na ang ginagawa ng daddy ni Marie sa kanyang sekretarya. "Lord, patawarin mo ang asawa ko, hindi niya alam ang kanyang ginagawa." Hindi alam ng mga kapitbahay na sa gabi ay umiiyak ang mommy ni Marie habang paulit-ulit na inuusal ang mga panalanging pampaalis ng libog ng kanyang asawa. Lumaki si Marie sa mga pangaral ng Ebanghelyo. Sa murang gulang ay nakabisa niya ang ilang linya ng Bibliya. Ito ang turo ng kanyang ina. Ito ang turo ng kanyang mga ate at kuya. "Ito ang gusto ng Diyos para sa mga bata. Dapat na laging takot sa Panginoon ang mga bata. Ang mga bata dapat laging nagdarasal. Lord, sana magkabati na sina Daddy at Mommy. Lord, sana mamatay na ang kabit ni Daddy. Lord, sana masagasaan ng pison ang kabit ni Daddy. Lord, sana masunog ang bahay ng kabit ni Daddy. Lord, sana tamaan ng kidlat ang kabit ni Daddy. We pray to you, Jesus. Amen. Amen. Amen."

II
Kahon din ang silid-aralan


Mula sa tahanan, binagtas mo ang landas ng karunungan. Nag-enrol sa elementary at high school. Sinikap malampasan ang dunong ng mga kamag-aral. Isinaulo mo ang mga leksyong hindi mo alam kung ano ang magiging silbi sa iyo kung ika'y tapos nang mag-aral. "Dapat sa bata ay masunurin. Masama sa bata ang sumagot at mangatwiran sa mga nakatatanda. Dapat sa bata ay huwag sumabad sa usapan ng mga matatanda. Opo, Ma'am. Yes, Ma'am." Mula elementary hanggang high school hanggang kolehiyo ay tiniis mong hindi magsalita, hindi magpahayag ng mga opinyon, ng mga pananaw, ng mga haka-haka, ng mga pagsusuri. Kinabisado mo ang mga batas ng grammar. Halos mabiyak ang ulo mo sa kamememorya ng mga parasites na nakikita sa lente ng microscope. Gabi-gabi'y napapanaginipan mo ang mga linear at quadratic equations, mga simbolong nagsasayaw sa isip mo, ayaw kang tantanan, dahil ang mga ito'y gagamitin mo sa iyong pamamasukan kung ika'y graduate na. Sinikmura mo ang ginagawang pagyurak ng pamantasan sa iyong mga batayang karapatan. Bawal sumama sa mga organisasyong hindi rehistrado sa Office of Student Affairs. Bawal sumama sa mga welga. Bawal magsalita ng kahit anong labag sa mga batas ng pamantasan. Bawal umutot sa loob ng classroom. "Yes, Ma'am. Yes, Sir. Opo. Oho." Sa tindi ng krisis sa bahay, sa awayan ng babaerong daddy at relihiyosang mommy, at mga moralistang mga ate at mga kuya, naisipan mong lumihis ng konti sa tinakda nilang landas para sa iyo. Halimbawa: Masamang manigarilyo. "Tol, pahingi ng yosi." Masamang uminom. "Tol, toma tayo sa likod ng school."

III
Gusto mong lumabas ng kahon


Lito na ang isip ni Marie. Hindi niya alam kung paano niya sasabihin sa mga magulang na siya'y hindi na bata. Na siya'y may karapatang magdesisyon para sa kung ano ang gusto niyang gawin sa buhay niya. May karapatan siyang magdesisyon kung anong klaseng buhay ang gusto niya. Paano niya sasabihin sa mga magulang, sa kanyang relihiyosang mommy at babaerong daddy at mga moralistang mga ate at kuya na ayaw niyang manatili na lang na isang babaeng walang kibo. Na siya'y hindi isinilang na mahina. Na kaya niyang lumaban sa ginagawang pagyurak ng lipunan sa karapatan ng mga kababaihan. Kanta ng Kalantog: "Sa telebisyon, ang babae'y nakakahon. Nakakahon parang bareta ng sabon. Sabong panlaba o sabong pampaganda, ang babae ang laging bida." Mula sa pamantasan ay lumabas siya patungo sa lansangan. Ayaw niyang iluha ang mga pasakit. Ayaw niyang magpakatanga sa pangangayupapa sa mga lalaki. Tumindig si Marie, kasama ng iba pang babae. May karapatan siya tulad ng mga lalake. Siya ay babae, matatag siya, marunong siya. Mulat siya sa mga di pagkakapantay-pantay. Aral siya sa mga pagdurusa ni mommy. Batid niya ang mga kalibugan ni daddy. Alam niya ang hirap ng katayuan ng mga nagiging kabit ni daddy. Sana, ganoon na lang. Sana, nakahon na siya sa pakikibaka sa mga usapin ng kasarian. Ang kaso, gusto niyang lumabas ng kahon. Hindi naglaon, napagtanto niyang may kinalaman ang imperyalismo sa hindi pagkakapantay-pantay ng karapatan ng mga lalake at babae. Eventually, naisip niya na ang bulok na sistemang panlipunan ang isa sa mga pundasyong nagpapanatili ng pagkaapi ng mga babae. Kailangan niyang basagin ang bulok na sistema para palitan ito ng bago. Malaki ang pangangailangang tuntunin niya ang madadawag na gubat, tawirin ang mga ilog at bagtasin ang mga larangang kinukulambuan ng mapulang silahis ng paghihimagsik.

IV
Nakakahon ka nang umalis


May mahinang ambon noon nang magpaalam sa akin si Marie. Nakaupo kami sa catwalk, sa may parking area ng pamantasan. Pinigilan ko ang pag-iyak. Nakakahiya kay Marie. Kalalake kong tao'y iiyak ako. Anyway, matagal ko nang alam na hahantong sa ganito ang relasyon namin. Noon pa man ay nag-aalala na ako na baka hindi na siya masapatan sa lansangan. Kailangan niya ang mas mataas na antas ng struggle. Kailangan niyang gumampan ng tunay na pakikibaka.
"Kailan ba ang alis mo?" cool ang dating ng pagtatanong ko. Para bang balewala sa akin kung anumang pinagsamahan mayroon kami.
"Sa isang linggo," sagot ni Marie.
"Kailangan mo ba talagang gawin iyon?" tanong ko. Sa puntong ito'y hindi ko na napigilang gumuhit sa magkabila kong pisngi ang mga luha.
"Kailangan ako ng bayan," matipid na tugon niya. Pagkuwa'y napaiyak na rin siya. Siguro'y napahiya siya sa kanyang pag-iyak. Senyales ito na mahina ang mga babae. Tumayo siya't mabilis na humakbang papalayo sa akin.
Sinundan ko siya.
"Marie!"
Humahagulgol siya habang niyuyugyog ko ang balikat niya at pinauulanan siya ng mga tanong.
"Ganun na lang ba? Pagkatapos ng mahigit tatlong taong relasyon natin, basta mo na lang ako tutuwaran at sasabihin sa aking kailangan ka ng bayan?"
Tumutulo na ang uhog ko. Sirang-sira na ang macho figure ko pero wala akong pakialam.
Mahalaga sa akin ang relasyon namin ni Marie. Paano na lang ang pinagsamahan namin. Mabubura pa ba sa isip ko ang mga sandaling kahit wala kaming kapera-pera ay masaya at sweet pa rin kami? Matatanggal pa ba sa alaala ko ang mga oras na pinagsaluhan namin sa sine, sa park, sa mga konsiyerto, sa motel, at sa kung saan-saan pang sulok ng Maynila?
"Kung gusto mo sumama ka sa akin," sabi ni Marie.
Iyon ang hindi ko maaaring gawin. Hindi sa dahil wala akong bayag para mamundok. Hindi sa wala akong makitang sense sa gagawin niya dahil maski ako nama'y medyo mulat din sa mga injustices na nakikita ko araw-araw.
Hindi ako maaaring sumama kay Marie dahil hindi ako handang magsakripisyo. Hindi ako handang talikdan ang mga luhong kinalakhan ko. Paano na ang bisyo ko? Kapag ba sumapi ako sa NPA, papayagan nila akong uminom ng beer at humitit ng marijuana? Pinapayagan ba ang mga long-hair sa hanay ng mga gerilya? Paano na ang pagpipinta ko? Paano na ang mga sinusulat kong nobela?
Sabi ko nga, noon pa mang nagsisimula na si Marie na magsasama sa mga rally, alam ko nang hahantong sa ganito ang aming relasyon.
Matagal kaming nagtitigan. Wari'y kapwa namin sinasalat sa pamamagitan ng pagtititigan kung dapat nga ba kaming manghinayang. Kung dapat pa bang i-work out namin ang aming relasyon.
May nakikita akong determinasyon sa kanyang mga mata. Determinasyong nagbibigay ng kapahayagang wala na akong dapat pang asahan.
"Paalam." Pagkasabi nito'y tumalikod na siya. Naiwan akong nakatingin sa kawalan. Pamaya-maya'y nagsindi ako ng isang joint.

V
Iniuwi kang nakakahon


Binaboy ka muna bago ka pinatay. Isang basong semilya ng mga demonyong army ang nakuha sa puwerta mo. Ang buong katawan mo'y tadtad ng paso ng sigarilyo. Ang puwit mo'y pinasakan ng batuta. Ang sabi sa report nila'y encounter daw. Pero hindi kami naniniwala. Ang butas sa noo mo'y tanda ng baril na pinaputok nang malapitan. Gayunpaman, namatay kang nagtatagis ang mga bagang. Hindi ka sumuko. Tiniis mo ang lahat ng pahirap. Ngayo'y naiisip kita. Sa mga pagkakataong nakakabasa ako ng mga balita sa diyaryo o nakakapanood ng balita sa telebisyon tungkol sa mga encounter ng militar at NPA, naaalala kita. Alam ko ang tunay na nangyari sa kabila ng pagtatakip nila. Alam ko dahil nakita kita bago ka ilibing. Nang buksan ang ataul mo ay nakamarka ang kabulukan ng lipunan sa bawat hibla ng laman mong pinaso ng sigarilyo. Nakatatak sa mga sugat mo ang katotohanan, kung gaano kahalaga ang armadong pakikibaka. At muli't muli, naiisip kita. Iniuwi ka nila dito sa lungsod mula sa bundok, nakasakay ka sa kahon, isang ataul na yari sa mumurahing plywood pero kinarpintero at pinatibay ng mga luha't pananalig, ng mga hinagpis at galit, ng mga kawalang-katahimikan at pag-aalsa. Nakakahon kang iniuwi ngunit ang kaluluwa mo'y malaya. Naglalakbay sa papawirin, sa mga bundok at gubat at batis at sa iba pang lupalop na ni sa hinagap ay hindi narating ng nakakahon kong isipan. http://pinoypunk.com

Working Clash reunion (PinoyPunk.com)

http://pinoypunk.com Makalipas ang 17 taon, mula sa Kaliwang ibaba pataas, countercultur...err, counterclockwise: Hippie (pulang Bulls[hit] jersey)--walang dating, kalbo na pero ungas pa rin; Gary (itim na Eskapo tshirt)--dating Baliwag punk/ka-CEGP*, now Kadena guitars-vocals/Bayan-USA secgen; Xavier (puting Fatal Response tshirt)--dating bahista-bokalista ng Mongoloids/former BHB**, ngayon ay happily married; Odel (puting IOV*** tshirt)--dating lider-estudyante, kasalukuyang tagasi[n]gaw ng Tolonguez Death Squad/full-time communi[s]ty organizer.



Soundtrack: "I Fought The Law" by the Clash and "Rebolusyonaryong Istratehiya" by Mongoloids as heard on the Middle Finger compilation Never Forget The Cause (1993)

*College Editors Guild of the Philippines
**Bagong Hukbong Bayan (sa Ingles, New People's Army)
***Intoxication Of Violence http://pinoypunk.com