Saturday, January 30, 2010

Jollijeep #1: Mga Kwentong Kwik-kwik*

DYUS

Di na kayang ibsan nang sunud-sunod kong paglunok ng laway ang disyerto sa aking lalamunan. Dangan kasi'y wala pa itong putanginang si Miyong. Ilang oras na nga ba kong naghihintay? Damang-dama ko na sa batok ang nangangagat na sikat ng araw. Kung may kuwelyo lang sana itong tisert. Teka, kailan ba ko huling nagsuot ng may kulyar? Di ko na matandaan. Pasado alas-dose o ala-una o alas-dos na. Tirik na siguro ang araw kaya manakanaka na ang mga nag-ooberpas. Di pa ko kumakain. Tanghalian na...o lampas. Miyong, putangina ka saan ka na ba?

Tandang-tanda ko, Sabado noon--huling araw sa pabrika. Plantsado na ang inuman namin nila pareng Pilo at ng demonyong si Domeng. Sosolohin ko si Nila mamayang gabi pagkatapos. May panglabas ako--labas na sa intrega kay misis. Suweldo ngayon, ilang oras lang uwian na. Petiks muna...mabagalan nga itong pesteng makina. Tutal kanina pa ko kota, sapat na 'yun. Baka sumobra yaman ng putanginang si Mister Tsipeko. Yosi muna dito sa likod ng tangke, wala namang nakaka-- Kabum!

Mula nang maaksidente ako ay lalo kaming nabaon sa utang sabi ni Hulya. 'Yun ang huli naming pag-uusap. Nang ilabas ako sa ospital, nalaman kong wala na pala akong pamilyang babalikan. Sumama raw sa ahas na si Domeng ang aking putanginang asawa. Ang mga anak ko naman ay inuwi sa probinsya ng aking putanginang biyenan. Mag-isa na ko sa mundo ngayon. Gusto ko mang iyakan sila muli ay wala na kong luhang mapipiga. Tulad ng lalamunan ko, tuyot na rin ang aking mga mata...matagal na.

Katsing! Kalansing ng latang nakikipagpatintero sa mga paang umaakyat sa hagdan. Uy! May nagbigay. Dagling hinanap ng mga daliri't kamay ko sa semento ang pinagmulan ng tunog. Natunton ng mga ito ang isang nagyeyelong bakal sa loob ng nagbabagang sisidlan. Galing erkon: mayaman! Malaki ang bilog, mabigat...salamat. Iniwan ko ang barya sa lata bilang pangati para makaakit pa ng iba.

"O 'sensya na ha, pumonta pa kong Dyolebi, wala sa Makdonal e." Tumigil ang panginginig ng kalamnan at pagwawala ng sikmura nang maulinigan ko ang boses ni Miyong. Sa wakas, grasya! Nangangatal na dila't mangilan-ngilang ngipin ang nagpaunlak sa mga buto't litid ng pritong manok.

"Nga pala, tiba tayo ngayon, nakapuno ako ng dyos." Mula sa isang basong plastik ay nagpiyesta kami sa pinyapol dyus na lasang kape, ayskrim, aysti at sopdringks.

*Flipino fastfood/flush fiction

No comments:

Post a Comment